Sabado, Mayo 12, 2012


Anay sa Ilaw ng Tahanan

“Aalagaan ka...Iingatan ka...Sa puso ko ikaw ang pag-asa...”

    Ahh. Kaysarap pakinggan ng awiting nagmumula sa isang transistor ng kapitbahay. Nakadadala ang bawat mensahe ng awitin at tumatagos sa puso nang hindi namamalayan.

Saan nga ba magtatapos ang mensahe ng awiting nagpapakita ng pagmamahal, pagsasakripisyo, at pagbibigay halaga sa buhay ng isang nilalang?

Kayhirap sagutin lalo na kung ito ay may kaugnayan sa buhay ng tao. Hindi kayang sukatin ang pagmamahal na ipinagkakaloob sa bawat nilikha. Siguro kung Diyos ang sasagot sa mga katanungan hindi siya mahihirapan, marahil ay ito ang kanyang magiging kasagutan, "Nilikha kita ng kawagis ko, ano pa ang dapat mong ipag-alala. Narito lamang ako sa tabi mo at hindi kita iiwan."

Isang pangakong tunay na tumatanim sa isipan ng bawat tao. May nagsasabuhay nito at meron din namang hindi. Lalo na sa mga taong walang takot gumawa ng mga kasalanan o matatawag ngang hindi ginagamit ang pag-iisip. 

Katulad na lamang ng isang batang ina na Malaysian. Walang takot niyang sinaktan ang kanyang anak habang nanonood ang isa pang bata na may hawak-hawak na pagkain. 

Matatawag bang wasto ang pag-iisip ng naturang ina kung ito ang ginagawa sa kanyang sampung buwang anak:

> Pinapalo habang nakasubsob sa isang sulok na bahagi ng higaan at walang tigil sa kaiiyak.
> Hinahataw ng unan.
> Binabato ng mobile phone.

Hindi makatarungan ang ganitong gawain lalo na sa mga batang may karapatang mabuhay sa mundo. Wala na sa tamang katinuan ang patuloy na mananakit sa kanyang anak lalo na kung ito'y isang paslit pa lamang.

Angel na maituturing ang mga batang wala pang muwang sa mga nangyayari. Tanging pagmamahal lamang ang kanilang nadarama at pagkalinga mula sa kanyang mga magulang.
 
Dapat nga bang sisihin ang inang nananakit sa kanyang anak gayong siya ay isa ring anak na nangailangan ng kalinga ng isang magulang lalo na nang paggabay mula sa isang ina. Marahil hindi naituro ng kanyang ina kung paano alagaan ang sariling anak. Dahil sa mga kakulangan ito hindi na niya alam kung ano ang tama at mali sa kanyang mga ikinikilos.

Napapanahon ang pagkilala at pagpapasalamat sa mga ina, nanay, mommy, inay, at marami pang tawag sa ilaw ng bawat tahanan. Mother's Day nga kung tawagin ang pagdiriwang na ito.

Paano mo babatiin ng Happy Mother's Day ang iyong ina kung patuloy kang sinasaktan at binubugbog? Mahirap ipaliwanag. Isang katanungang napakahirap sagutin ng isang anak na nakaranas ng dahas mula sa sariling ina.
 
Bukod sa ama, ina ang nakakaimpluwensya sa kanyang mga anak ng kagandahang-asal at mabuting pag-uugali. Tanging pagmamahal ang naibibigay sa kanyang mga anak.

Siya ang unang guro na gumabay upang ikaw ay makabasa at makasulat. Siya rin ang nars na hindi tumitigil mapagaling lamang ang sugat mula sa iyong pagkakadapa.

Maling sirain ang imahe ng isang ina. Ang pagmamahal at pagkalinga na kanilang ibinigay ay tunay na hindi mapapalitan ng anumang kayamanan.

Kung may naliligaw man ng landas ay dahil na rin sa hindi pakikinig at tanging sarili ang iniisip. Walang inang nagnais na mapasama ang isang anak. 

Ang anay na sumisira sa pundasyong ibinigay ng isang ina ay maaari pang mabago kung mananatili kang susunod sa kanyang mga sinasabi. Tagumpay ng isang ina ang makitang nakamit ng kanyang anak ang pangarap na minimithi.

Sila nga ang tinatawag na ilaw ng tahanan upang magbigay liwanag sa madilim na pinagdaraanan. Patuloy ka niyang bibigyan ng liwanag upang hindi na muling madapa manapa'y maisalin rin ang mga kaalamang naituro sa mga batang magiging ina rin at mabibigay buhay sa darating na henerasyon.

Mga Sanggunian:

http://www.depinisyon.com/depinisyon-130359-nilal%C3%A1ng.php
http://termiteresources.blogspot.com/
http://searchcio-midmarket.techtarget.com/definition/transistor
http://en.wikipedia.org/wiki/Mobile_phone 
http://en.wikipedia.org/wiki/Children's_right
http://tl.answers.com/Q/Ano_ang_kasingkahulugan_ng_hitik
http://www.123greetings.com/events/mothers_day/happy_mother/
http://www.therightplanet.com/
http://tblads.blogspot.com/2008/12/behold-handmaid-of-lord.html
http://www.therightplanet.com/


    NoR
*051212*